Back to HomeRegions

Lalaki na may 5 kaso ng rape timbog matapos ang 2 taong pagtatago

NI Edward VillosoOctober 8, 20262 min read0 views
Lalaki na may 5 kaso ng rape timbog matapos ang 2 taong pagtatago
Share:

ARESTADO ang isang 53-anyos na lalaki na wanted sa limang bilang ng panggagahasa matapos ang dalawang taong pagtatago sa Misamis Oriental, ayon sa pulisya nitong Huwebes.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Marlo,” residente ng Cagayan de Oro City.

Ayon kay Police Col. Al Abanales, direktor ng Misamis Oriental Police Provincial Office (MORPPO), isinagawa ng mga tauhan ng Opol Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit at 2nd Provincial Mobile Force Company ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Inaresto si “Marlo” batay sa mga warrant of arrest na inisyu laban sa kanya kaugnay ng tatlong bilang ng panggagahasa na walang inirekomendang piyansa.

Mayroon din siyang dalawang kaso ng panggagahasa sa pamamagitan ng sexual assault sa ilalim ng Article 266-A(2) ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 11648. Itinakda naman sa P200,000 ang piyansa para sa bawat naturang kaso.

Batay sa police records, sinasabing naganap ang mga insidente ng pang-aabuso noong 2024 at sangkot umano rito ang isang menor de edad.

Dinala na sa kustodiya ng Opol police ang suspek para sa kaukulang disposisyon at pagsasagawa ng mga kinakailangang legal na proseso.

“Mananatiling walang humpay ang aming pagtugis sa mga wanted persons. Gaano man sila katagal na magtangkang umiwas sa pag-aresto, patuloy namin silang hahanapin at huhulihin upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanila sa tamang hukuman,” ani Abanales.

Tiniyak din ng opisyal na patuloy na paiiralin ng MORPPO ang batas at igagalang ang due process sa lahat ng operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa Misamis Oriental.

Related Articles