Back to HomeNation

Laguna Gov. Sol Aragones, iba pang opisyal, kinasuhan sa Ombudsman

NI JG TumbadoSeptember 28, 20262 min read0 views
Laguna Gov. Sol Aragones, iba pang opisyal, kinasuhan sa Ombudsman
Share:

ISANG graft complaint ang inihain sa Office of the Ombudsman laban kay Laguna Gov. Sol Aragones at iba pang provincial officials nito kaugnay sa umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng isang government-funded review program na naglaan ng P15,500 para sa bawat benepisyaryo.

Ang reklamo, na inihain ni Laguna Board Member Lorenzo Zuñiga Jr., ay nag-aakusa kina Aragones at iba pang opisyal ng paglabag sa Section 3(e) at 3(g) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Kabilang sa pangunahing isyu sa reklamo ang umano’y pagpapalabas ng pondo para sa mga reviewee nang hindi dumaan sa kinakailangang public bidding at procurement process.

Ayon sa complainant, ipinatupad ang programa kahit may mga guidance at limitasyong inilabas umano ng Provincial Legal Services Office, gayundin ang mga kundisyong nakapaloob sa awtorisasyong ipinagkaloob ng Sangguniang Panlalawigan.

Sinasabi rin sa reklamo na may ilang benepisyaryo na inatasang magsumite ng mga dokumento, kabilang ang diploma at certificate of indigency, na kalaunan ay pinagdudahan umano ang pagiging tunay at sinabing maaaring peke, fabricated o hindi awtentiko.

Tinukoy din sa complaint ang ilang provincial officials na umano’y may naging papel sa processing, certification, approval at release ng pondo.

Isa pang alegasyon ay ang umano’y pag-uutos sa ilang recipient na isauli ang P15,500 na kanilang natanggap dahil ang halaga ay para umano sa pagbabayad sa isang pribadong review center.

Iginiit ng complainant na ang naturang sistema ay nagresulta sa direktang pagpapalabas ng pera ng pamahalaang panlalawigan sa mga indibidwal, sa halip na dumaan ang serbisyo sa procurement process na itinatadhana ng batas.

Ikinumpara rin sa reklamo ang halagang inilabas ng provincial government sa sinasabing presyo ng kaparehong serbisyo sa ibang review centers.

Ayon dito, may mga review center na nag-aalok umano ng review program sa halagang nasa 6,000 bawat reviewee, mas mababa kaysa P15,500 na inilaan sa ilalim ng programa.

Samantala, kinukwestyun din ang mga lokal na mga haosiao media na nasa ilalim ng job order status (jo) ng Laguna Capitol sa ilalim ng Provincial information office na umano'y nagsisilbing tagagawa ng character assassination at fake news sa mga kalaban ng gobernadora.

Related Articles